Iniwan nga ng palad mo ang pala, Martilyo, tubo, kawad at iba pang kasangkapan, Subalit ang alas-sinko’y hindi naging hudyat Upang iwan ang graba, semento’t eskombro Ang iyong hininga. Sa pagkindat ng bombilya, Sa karimlan mo nga lamang maihahambilin ang silakbo At ang kirot ng himaymay: lintos, galos, at hiwa Ng braso at daliri at iwas sa puso’t utak, Kapag binabanig ang kapirasong plywood, kusot O supot-semento sa ulilang sulok Ng gusaling tinutunghan pa sa krosis. Di ka makatulog. Kailangan ng tulad mong sagad-buto Na ang pagod na dalwang-antok, dapwat mikser Sa paningin ay wari bang paulit pa ring umiinog – Dugo’t pawis pang lalangkap sa buhangin at sementong Hinahalo, na kalamnang itatagal mo Sa bakal na mga tadyang: kalansay na bubuong Dambuhala mula sa’yong pagsasakit bawat saglit; Kapalit ang kitang di-maipantawid-gutom Pag-asam sa bago at bagong konstruksyon At dalangin nilululom ng pawis at orasyon. Pag ganitong nilaslas ng neon lights ang karimlan. Pag wala nang kontratista at ganid na kanang kamay, Luksang mga kaanyua’y dumarating At sa diwa’y dumuduro: Halimbawa’y pisnging humpak ng nakaratay na bunso O asawang may paningin nanlalabo Sa harap ng lugaw at asing tamilmil isubo… Bukod sa malamig na gabing resetang lagi ng magdamag Sa kahubdang ayaw maniwalang siya’y nagbubuto’t balat Paano ka mahihimbing Kung sa bawat paghiga mo’y tila unti-unting kinakain Ng bubungang sakdal-tayog ang mga bituin? Kung bakit di umiibis ang graba, Eskombro’t semento sa iyong hininga – Kapag nabubuo sa guniguni mong isa ka ring piyesa Ng iskapolding na kinabukasa’y babaklasin mo rin…. カロリンー08
Tuesday, August 25, 2009
GABI NG ISANG PIYON
GABI NG ISANG PIYON
Lamberto E. Antonio
Posted by carla at 8:17 AM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comments:
For someone as young, u'v got a fine taste for serious poetry.
Post a Comment